Sunday, May 9, 2010

Anim na pisong simangot =(

Naisipan kong isulat ang blog na ito sa wikang Filipino. Ito ang akmang gamitin upang mailabas ko ang saloobin ko tungkol sa isang Pilipinong-Pilipinong gawi sa araw-araw na pamumuhay. At dahil Pinoy ako (kung saan proud ako), may pakialam ako sa bawat nagaganap sa aking kapaligiran. At kung minsan, may mga bagay-bagay na sadyang tumatatak sa ating isipan. Naaapektuhan ako. Bakit? Sisimulan kong magkwento...

Halos araw-araw akong sumasakay sa sasakyang "originally from the Philippines"... Ano ito? Siyempre, ang walang kupas na Jeepney, o for short e JEEP. 'Di ko masasabing araw-araw, 'pagkat kung minsan ay naglalakad na lamang ako papuntang eskwelahan. 'Yun nga lang, sa mga panahong ito kung saan halos araw-araw na naitatalang "Hottest Day" dahil sa pataas nang pataas ang temperatura, wala 'kong choice kundi ang mag-jeep araw-araw. Hayy! Nakakapawis, 'di ba? Pero anyway, katulad nga ng sabi ko, walang kupas ang Jeep. Karamay na nating mga Pilipino, umaraw man o umulan. Syempre, nariyan din ang walang kupas na si Manong Jeepney Driver. Kapag walang barker (yung taong taga-tawag ng pasahero), siya na mismo ang mauulinigan mong sumisigaw ng Ah-tara-tara.. aalis na... Oh di ba? Kung Pinoy ka, mage-gets mo ang karaniwang tono ng mga salitang 'yon. Nakabisado ko na nga ang mga sinasabi nila sa paulit-ulit na rutang kanilang tinatahak sa araw-araw. Nakakatuwa kung iisipin. Iyon ay tatak ng kanilang kasipagan at pagpupursige upang mamuhay sa marangal na paraan. Todo smile pa nga si Manong para lamang makaakit ng mga pasahero at bumiyahe na sa kanyang ruta.Ngunit sa kabilang banda, may isang anggulo akong napansin na 'di ko ikinatuwa. Kinukulagan ako. Naiinis. Naiirita kung minsan. Gusto kong sumabog sa nagngingitngit kong pagtutol sa mga kapwa ko pasahero na sumisimangot, umiirap at nagtataray kapag ipinaabot mo na ang bayad mo. Sa isang tulad kong nais na hangga't maaari'y huwag makaabala ng ibang tao, nagpapasalamat ako sa tuwing may malugod na nag-aabot ng aking anim na pisong bayad. Baryang aking inilaan na pambayad sa pag-ikot ng manibela at pagbuga ng usok ng tambutso ng jeep patungo sa aking eskwelahan. Ngunit katawa-tawang isipin, o kung minsa'y nakakairita, na may iba pang gamit ang anim na pisong aking iniabot. Ito'y nakabibili rin pala ng simangot. Akalain mong sa loob ng jeep kung saan halos sardinas na ang mga tao, may ilang naiinis kapag nagpaabot ka ng bayad. Isang kunot sa noo, "tsk" na sinahugan pa ng pag-irap. Para sa'kin, natural na lamang ang magpaabot ng bayad lalo na kung puno ang jeep. Sino ba namang magtatangkang tumayo pa at solong lumapit sa drayber para lamang iabot ang bayad habang ang iba'y nagsisiksikang nakaupo? 'DI ba't mas malaking abala 'yun? Ewan ko ba kung bakit 'di 'yun maisip ng mga taong naiinis sa tuwing magpapaabot ang mga kapwa pasahero ng kanilang bayad. Aba, 'di naman 'ata tama 'yun. Eh, kung 'di mo tanggap ang pangkaraniwang pag-aabot ng bayad sa jeep, bakit 'di ka nalang bumili ng sarili mong "OWNER"? Oh, edi 'di ka na maaabala? Hayy naku, talaga nga naman oh!

'Di naman sa nagpapaka-critic ako. 'Yun lang naman ang aking napapansin, at nababahala ako dahil dito. Hindi kasi magandang tingnan ang ganoong kaugalian ng ibang tao, lalo pa't trademark nating mga Pilipino ang JEEP. Anim na piso lamang ba ang halaga ng mga simangot, 11 lines sa noo at pagkainis sa kapwa? Hindi magandang pakinggan, 'di ba? Dapat itong baguhin habang hindi pa huli ang lahat. At bilang mga kapwa-pasahero sa iba, marapatin nating magpasalamat sa mga taong nag-aabot ng ating bayad at sukli sa jeep, nang hindi ka mabigyan ng ANIM NA PISONG SIMANGOT.

May ngiti,
Gem ^^,

No comments:

Post a Comment

Tell me what you think about this post.